Home METRO Kelot niratrat, todas

Kelot niratrat, todas

MANILA, Philippines- Isang hindi pa nakikilalang salarin ang walang habas na pinagbabaril ang isang 49-anyos na lalaking sakay ng motorsiklo habang pauwi sa Barangay Mambugan, Antipolo City, nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Ronimar Bagunu, isang liaison officer at residente ng Marpas Street, Barangay Mambugan.

Ayon sa mga awtoridad, bandang alas-7:50 ng umaga nang tambangan ang biktima habang minamaneho ang kanyang Honda Click 125 sa Marpas Street. Isinugod siya sa Metro Antipolo Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Batay sa paunang imbestigasyon, biglang sumulpot ang suspek sa lugar habang nasa biyahe ang biktima at walang sabi-sabing pinaputukan ito nang paulit-ulit gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Agad tumakas ang salarin matapos ang pamamaril, sakay ng isang itim na motorsiklo. Nakasuot ito ng full-faced helmet na may disenyo.

Kasalukuyan ng nagsasagawa ng imbestigasyon ang Antipolo police upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin. Maritess Pumaras