Home METRO Kelot patay sa bugbog

Kelot patay sa bugbog

MANILA, Philippines- Isang kaanib ng Sputnik gang ang namatay habang inoobserbahan sa pinagdalhang pagamutan, makaraang patayin sa bugbog ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa Tondo, Manila, Miyerkules ng gabi.

Kinilala lamang sa alyas na “Ding” ang biktima, nasa 45 hanggang 50-anyos , 5’0 hanggang 5’2 ang taas, may tattoo sa kanang dibdib na larawan ng babae at Sputnik logo sa kanang bahagi ng binti.

Base sa ulat na isinumite ni Det Gary Reyes kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-12 ng madaling araw nang makita ang hindi pa nakikilalang suspek na papatakas galing sa loob ng RJ Compound sa Carlos P Garcia Street, Barangay 123 sa Tondo.

Isang nasa 53-anyos na kapitbahay ang nagsugod sa biktima sa Gat. Andres Bonifacio Mamorial Medical Center, makaraang magtamo ng malaking sugat sa ulo at mga galos sa katawan.

Dahil dito, habang nilalapatan ng lunas, dakong alas-5:10 ng umaga nang ideklarang patay ang biktima. Rene Crisostomo