DAVAO CITY-PATAY ang isang lalaki habang sugatan ang anak nitong sanggol at kinakasama matapos silang pagtatagain ng kapatid ng una, iniulat kahapon, Hulyo 20 sa lungsod na ito.
Hindi umabot pang buhay sa ospital ang biktima na kilala sa alyas Jing, 34, 11-buwan nitong anak, at kinakasamang si alyas Girly.
Nadakip naman ang suspek na kinilala sa alyas Jun, at pawang mga residente ng Barangay Wangan, Calinan District, Davao City.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang magkakapatid at iba pang kaanak sa nasabing lugar.
Habang nasa gitna ng inuman, nalasing ang suspek at tinanong nito ang kapatid (biktima) kung ano ang relasyon nito sa kanyang asawa na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Dahil dito, nagpasya ang biktima na umakyat na sa kanilang bahay kasama si Girly para matulog at maungkay na ang kanilang pagtatalo.
Makalipas ang ilang minuto, sinundan ng suspek ang kanyang kuya at sapilitan pumasok sa bahay bitbit ang itak.
Dito, pinagtataga ng suspek ang kanyang kuya at pati na rin si Girly at kanilang anak.
Tinangkang iligtas ni Jing ang kanyang mag-ina at sinalo nito ang mga taga naging sanhi ng kanyang kamatayan sanhi ng mga tinamong taga ng itak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sumaklolo naman ang mga kaanak at humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek habang dinala naman sa ospital ang mag-ina para lapatan ng lunas ang tinamo nilang sugat.
Nakakulong ngayon sa Calinan District-PNP ang suspek at nahaharap sa kasong murder at double frustrated murder.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico