PANGASINAN-Swak sa kulungan ang isang 23-anyos na lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga otoridad sa Urdaneta City nitong Miyerkules, Nobyembre 19.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay residente ng naturang lungsod.
Narekober mula sa suspek ang walong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Humigit-kumulang sa 60 gramo ang narekober na hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ito ng P408,000.
Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya doon mismo sa lugar na pinangyarihan ng buy-bust operation, sa presensya ng suspek at ng mga kailangang testigo alinsunod sa batas.
Ang matagumpay na operasyon ay resulta ng masusing koordinasyon at pagtutulungan ng mga operatiba mula sa Regional Police Drug Enforcement Unit 1 (RPDEU1), katuwang ang RID, PDEA Pangasinan, PDEG SOU1, PIU, PDEU, Urdaneta CPS, at PDEA-RO1.
Pinuri ni Police Regional Office 1 (PRO 1) Regional Director Police Brig. Gen. Dindo R. Reyes ang mahusay na trabaho ng mga operating unit na naging bahagi ng operasyon.
“Pinupuri ko ang mahusay ma koordinasyon at mabilis na aksyon ng lahat ng operating units na naging bahagi ng operasyong ito. Ang inyong propesyonalismo , tiyaga, at pagkakaisa ay patuloy na nagpapatatag sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Laging nakaalalay ang PRO 1 sa ating mga kapulisan na nagsasagawa ng mga mapanganib na operasyon nang may dedikasyon at integridad,” wika ni Brig. Gen. Reyes. Rolando S. Gamoso