ILOCOS SUR- Kamatayan ang sinapit ng isang 54-anyos na lalaki matapos madaganan ng nabuwal na puno ng manga sa bayan ng Sta. Cruz ng lalawigang ito Lunes ng gabi, Nobyembre 10.
Ayon sa pulisya ang biktima ay isang magsasaka, may asawa, residente ng naturang bayan.
Nabatid na ang biktima ay nakaupo sa labas ng kanilang bahay habang nananalasa o humahagupit ang napakalakas na hangin na dala ng Bagyong Uwan.
Dahil sa lakas ng hangin, biglang nabuwal ang puno ng manga at tinamaan ang biktima.
Mabilis na rumesponde ang mga personnel ng Sta. Cruz Municipal Police Station at MDRRM Team matapos makatanggap ng tawag tungkol sa naturang insidente.
Nang maalis nila ang puno ng manga na dumagan sa biktima ay nakita nilang wala na itong malay.
Agad na isinugod ang biktima sa Ilocos Sur District Hospital sa Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso