Home ENTERTAINMENT Ken, nagsalita na!

Ken, nagsalita na!

Manila, Philippines- Sa wakas, binasag na ni Ken Chan ang kanyang katahimikan.

Nitong November 14, inihayag ng Kapuso actor na wala siyang nilokong tao.

Matatandaang November 8 nang bigong maihain ng mga otoridad ang arrest warrant kay Ken dahil wala ito sa kanyang tahanan sa Quezon City.

Pero nitong Huwebes, nangako si Ken na ilalabas niya ang katibayan para pasinungalingan ang paratang laban sa kanya.

Nahaharap si Ken sa syndicated estafa involving P14 million.

Non-bailable ito.

Depensa ng kampo ni Ken, ipinagtataka nila ang naturang kaso dahil ang usapin ay tungkol lang sa pagkalugi ng negosyo.

Ang tinutukoy ni Ken ay ang restaurant na Cafe Claus na merong three branches na nagsara dahil lugi ang mga ‘yon.

Itinanggi rin ni Ken na nanghingi siya ng pera at nangako ng interes.

Ibinunton ni Ken sa kanyang mga business partners ang kasalanan.

Aniya’y sigurado siya na ang mga ito ang nasa likod para pabagsakin ang kumpanya at sirain ang kanyang pangalan.

Sa pagsasalita ni Ken, hindi malinaw kung nasa bansa o nasa abroad siya.

Pero nang huli siyang mag-post ay may larawan ng Statue of Liberty.

Hindi tiyak kung ipinapain ba ni Ken ang kanyang sarili o sadyang nililigaw lang niya ang mga otoridad tungkol sa whereabouts niya. Ronnie Carrasco III