MANILA, Philippines – Inakusahan ng Kerwin Espinosa nitong Biyernes, Oktubre 11 si dating Philippine National Police chief at ngayon ay si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nasa likod ng panggigipit sa kanya para ituro si dating senador Leila de Lima at businessman na si Peter Lim sa illegal drug trade.
Ang akusasyon ni Espinosa ay kasabay ng pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Quad Committee (QuadComm) sa mga pagkamatay na may kaugnayan sa war on drugs ng Duterte administration.
Ani Espinosa, nangyari ito noong Nobyembre 2016 sa pagbabalik niya sa Pilipinas mula sa Abu Dhabi nang siya ay naaresto. Sa mga sandalling iyon, siya ay nahaharap na sa mga reklamong may kinalaman sa illegal na droga dito sa ating bansa.
“November 17, sinundo ako ng mga kapulisan dito sa atin. Ang sumundo sa akin, si General Bato, inakbayan niya ako papunta sa sasakyan na Land Cruiser na puti, na bullet-proof. Noong sumakay na kaming lahat, si General Bato nasa front seat, ako ay nasa likod, pinagitnaan ako ng dalawang mga pulis, at sinabihan niya ako na aminin mo na sangkot ka sa kalakaran sa droga dito sa Pilipinas at idawit ko si Peter Lim at si Leila de Lima para madiin na sila,” isinalaysay ni Espinosa sa komite.
Sinabi pa ni Espinosa na kung hindi nito susundin ang plano ay matutulad ito sa kanyang tatay na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na napatay habang nasa kulungan.
Maaari rin itong mangyari umano sa iba pa niyang kapamilya.
“So nanginig ako sa panahon na ‘yon, hindi ko alam kung ano ang gagawin,” ani Espinosa.
Wala pang tugon si Dela Rosa kaugnay nito. RNT/JGC