Home METRO Kinidnap na Tsino, nasagip sa Parañaque

Kinidnap na Tsino, nasagip sa Parañaque

266
0

PARAÑAQUE, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ng Parañaque City Police ang isang Chinese national na iniulat na kinidnap ng kanyang mga kababayan, na ang isa ay naaresto sa isinagawang follow-up operation noong Linggo, Agosto 12.

Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang biktima na si Wu, 31. Na-rescue bandang alas-10:36 ng umaga sa condominium lobby sa may Pacific Drive, Barangay Don Galo, Parañaque City.

Arestado ang isa sa apat na suspek na si Zhao, 36, sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, habang nanatiling pinaghahahanap ang tatlo pa.

Pahayag ng pulisya, base sa CCTV footage mula sa condominium building, nakita ang biktima na pumasok sa gusali kasama ang dalawang lalaki at ang kanyang nobya na kinilalang si alyas Yan.

Sinabi rin ng pulisya na makalipas ang ilang oras, nakita ang biktima sa lobby ng condominium na may tama ng bala sa kaliwang paa. Dinala siya sa Premiere Medical Center para gamutin.

Narekober ng pulisya ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at Alien Certificate of Registration na pag-aari ng isang alyas Cui sa loob ng condominium unit kung saan nakakulong ang biktima.

Sinabi ng pulisya na ang follow-up operation sa isang condominium sa Barangay Don Galo ay humantong sa pagkakaaresto kay Zhao. Si Zhao ay positibong kinilala ng biktima bilang isa sa apat na bumihag sa kanya.

Narekober sa loob ng condominium unit ni Zhao ang ilan pang sachet ng hinihinalang shabu, iba’t ibang tableta at powder substance, pinatuyong dahon ng marijuana, drug paraphernalia, 131 bala, at anim na 9mm magazine.

Si Zhao ay nakakulong sa Parañaque City Police custodial facility at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Nagsasagawa pa ng follow-up operations ang pulisya para madakip ang tatlong natitirang suspek. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here