MANILA, Philippines – Bumaba ng halos 60% ang kita ng mga mangingisdang Pinoy malapit sa Scarborough Shoal dahil sa fishing ban ng China sa South China Sea, kabilang ang mga bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa PAMALAKAYA, bumaba mula P10,000 patungong P4,000 ang kita ng mga mangingisda sa Zambales sa bawat biyahe ng mga ito malapit sa Scarborough o Panatag Shoal.
“The presence of Chinese vessels has intensified since our territorial waters have been placed under a fishing moratorium,” saad sa pahayag ni PAMALAKAYA-Zambales provincial coordinator Joey Marabe.
“While we don’t experience direct untoward incidents with these huge vessels, their overwhelming presence effectively impedes our regular fishing activities,” dagdag pa niya.
Upang masuri ang epekto ng fishing ban ng China sa ibang mga probinsya ay nakikipag-ugnayan na ang PAMALAKAYA sa mga operator at asosasyon ng mga mangingisda sa Pangasinan at La Union.
Nanawagan naman ang PAMALAKAYA sa administrasyong Marcos na ibigay ang pangangailangan ng mga mangingisdang apektado ng fishing ban ng China.
“Halos isang buwan na mula nang ideklara ng China ang walang batayan nitong fishing ban, subalit hindi pa namin maramdaman ang administrasyon ni Marcos Jr. na kamustahin man lamang ang mga mangingisda, lalo pa ang pagbibigay ng suporta sa kanilang kabuhayan,” ayon kay PAMALAKAYA vice chairperson Ronnel Arambulo.
Nauna nang ipinrotesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang fishing ban ng China na lumalabag sa international law at tinatapakan ang soberanya at maritime rights ng bansa.
“The Philippines called on China to cease and desist from the conduct of illegal actions that violate the Philippines’ sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction in its maritime zones,” sinabi ng DFA.
Hinimok din nito ang China na “comply with its obligations under international law, particularly the 1982 UNCLOS and the final and binding 2016 Arbitral Award; and adhere to its commitments under the 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.” RNT/JGC