PANGASINAN, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ang klase sa Manaoag National High School (MNHS) ngayong Biyernes, Hulyo 17, bilang pag-iingat matapos kumalat sa Facebook ang isang banta ng pamamaril laban sa paaralang tinukoy lamang bilang MNHS.
Bagama’t hindi pa beripikado ang post at hindi pa kumpirmado kung ang tinutukoy na “MNHS” ay ang Manaoag National High School, sinabi ng pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni Dr. Daisy S. Mayola na hindi nila binalewala ang naturang banta.
“Killings will take place at MNHS. We are targeting pupils of Grades 7 to 12. We shall start shooting students at 2:30. We do not care if we are apprehended,” nakasaad ng FB post.
Agad na nakipag-ugnayan ang paaralan sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at kawani.
Inatasan naman ni Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario ang pulisya ng bayan sa pangunguna ni Major Arnel Tamayo na magdeploy ng mga pulis para magsagawa ng security assessment at palakasin ang presensya ng kapulisan sa paaralan.
Rumesponde rin ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Manaoag.
Nanatiling ipinatutupad ang mahigpit na seguridad habang tinutukoy ng pulisya ang pinagmulan ng naturang Facebook post. Binigyang-diin din ng Manaoag police na may pananagutang kriminal ang sinumang lilikha at magpapakalat ng ganitong uri ng online na banta. RNT/MDS