Home NATIONWIDE Klase sa paaralan sa Eastern Samar binulabog ng bomb, gun threats

Klase sa paaralan sa Eastern Samar binulabog ng bomb, gun threats

1
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ang klase nitong Biyernes sa Eastern Samar National Comprehensive High School (ESNCHS) sa Borongan City matapos kumalat sa social media ang isang post na naglalaman umano ng bomb at gun threats.

Naganap ang insidente ilang araw lamang matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na nagdulot ng pangamba sa seguridad ng mga paaralan sa Eastern Visayas.

Sa pahayag na nilagdaan ni Acting School Head Dean Ernest Paul Hermano, sinabi ng pamunuan ng ESNCHS na ipinag-utos ang suspensyon ng klase batay sa rekomendasyon ng Borongan City Police Station upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang kawani.

Isinagawa rin ang hakbang sa koordinasyon ng Office of the Schools Division Superintendent at Assistant Schools Division Superintendent ng Department of Education (DepEd)-Borongan City Division.

Agad namang nagpadala ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang pulisya upang inspeksiyunin ang mga lugar na umano’y pinangyarihan ng mga larawang kumalat online.

Matapos ang masusing inspeksyon, idineklara ni PLTCOL Silver Cabanillas, acting chief ng Borongan City Police Station, na ligtas at walang banta ng bomba o baril sa loob ng paaralan bandang alas-8:35 ng umaga.

“We assure the public that ESNCHS takes all security threats seriously. We are fully cooperating with the authorities in their ongoing investigation to ensure accountability and to maintain a safe learning environment for everyone,” ayon sa pamunuan ng paaralan.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng online post.

Ang insidente ay kasunod ng pamamaril noong Hunyo 22 sa San Jose National High School sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan.

Dahil dito, naghigpit na ng seguridad ang mga paaralan at lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas, kabilang ang pagpapalakas ng police visibility at pagrepaso sa emergency response protocols.

Ang ESNCHS ang pinakamalaking pampublikong high school sa Eastern Samar at nagsisilbi sa libu-libong mag-aaral mula sa Borongan City at mga karatig-bayan.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon sa social media at agad iulat sa mga kinauukulan ang anumang banta upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here