MANILA, Philippines – Lumampas ng P2.853 bilyon sa target ang nakolektang kita ng Bureau of Customs (BOC) noong Hunyo matapos makalikom ng P86.073 bilyon, mas mataas sa itinakdang P83.220 bilyon.
Ayon sa ulat ng BOC, umabot na sa P11.478 bilyon ang kabuuang revenue surplus ng ahensya sa unang anim na buwan ng 2026, matapos makapagtala ng P491.748 bilyon na koleksyon mula Enero hanggang Hunyo. Higit ito ng 2.4 porsiyento o P11.478 bilyon sa target na P480.270 bilyon.
Mas mataas din ng 11.7 porsiyento ang koleksyon noong Hunyo kumpara sa P77.035 bilyon na naitala sa kaparehong buwan noong 2025, o katumbas ng dagdag na P9.037 bilyon.
Batay sa paunang datos, lumago rin ng 7.2 porsiyento ang kabuuang koleksyon mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2025. Umabot ito sa P491.748 bilyon, mas mataas ng P32.977 bilyon mula sa P458.771 bilyon noong nakaraang taon.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ang magandang performance ng ahensya ay bunga ng kontribusyon ng 17 collection districts, mas pinaigting na customs enforcement, pinahusay na trade facilitation, mas mahigpit na compliance measures, at patuloy na modernisasyon ng customs systems at proseso.
Nakapag-ambag din ang Post-Clearance Audit Group (PCAG) ng P2.283 bilyon mula sa isinagawang post-clearance audit operations.
Nagpasalamat si Nepomuceno sa mga kawani ng BOC at sinabi na ang tagumpay ay bunga ng kanilang dedikasyon at integridad sa pagtupad sa mandato ng ahensya.
Patuloy namang tututukan ng BOC ang pagpapalakas ng revenue collection upang maabot ang P1 trilyong target na koleksyon para sa 2026, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/JGC