MANILA, Philippines – Inaasahan ang katamtaman hanggang mabigat na trapiko sa pagsimula ng konstruksyon ng bagong tulay sa hangganan ng Muntinlupa at San Pedro, Laguna sa Pebrero 1.
Nagpaalala ang mga lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at San Pedro tungkol sa bagong traffic scheme na ipatutupad kaugnay ng proyekto.
“Please be informed that the Department of Public Works and Highways (DPWH) will commence the Replacement of the Muntinlupa-Tunasan–San Pedro Bridge, effective February 1, 2026. Moderate to heavy traffic is expected in the area. Motorists are advised to plan their trips ahead and strictly observe traffic rules and regulations,” ayon sa Muntinlupa City government.
Ipapatupad ang stop-and-go traffic scheme sa lugar, at hindi papayagang dumaan ang mga sasakyang may anim na gulong pataas.
Pinapayuhan ang mga ito na gumamit ng South Luzon Expressway (SLEX).
Samantala, sinabi ng pamahalaang bayan ng San Pedro na sa pagsisimula ng proyekto, kalahati ng tulay ang gigibain habang ang natitirang bahagi ay para lamang sa mga magagaan na sasakyan.
Lahat ng northbound Class 2 at Class 3 na sasakyan ay ididirekta sa SLEX San Pedro toll plaza, at aalisin ang u-turn slot sa Alaska bridge.
Ang mga pampasaherong bus at trak mula Alabang ay papalabasin sa La Marea at daraan sa Magsaysay Road patungong Fr. Masi, USPS, at National Highway. RNT/MND