MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Francis Escudero na magsusumite siya ng panukalang batas na magbabawal sa mga opisyal ng gobyerno at kanilang kaanak hanggang ikaapat na antas na makipagkontrata sa pamahalaan.
Tugon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State of the Nation Address (SONA) na wakasan ang katiwalian at conflict of interest.
“Para sa akin, klarong conflict of interest ‘yun at hindi dapat pinapahintulutan nang hindi mawawala ‘yung opisina na pinanghahawakan ng opisyal,” ani Escudero sa isang press briefing.
Ayon kay Escudero, isusulong din niyang maging prayoridad ng LEDAC ang panukala.
“Isa ‘yun sa hihilingin kong maging priority measure… yun ‘yung pangunahing pag-uusapan namin mamaya kaya kami magko-caucus,” aniya pa.
Pinuri rin niya ang paggamit ng Filipino sa SONA at ang pagiging bukas ng Pangulo sa mga pagkukulang ng kanyang administrasyon bilang hakbang tungo sa reporma. RNT