Home NATIONWIDE ‘KONTRATANG GAMIT ANG PANGALAN KO, CONSIDER IT DENIED’ – BONG GO

‘KONTRATANG GAMIT ANG PANGALAN KO, CONSIDER IT DENIED’ – BONG GO

278
0

MANILA, Philippines – ITO ang salitang binitiwan ni Senator Bong Go bilang paggigiit ng kanyang integridad, kasabay ng pakikiisa niya sa anumang panukalang batas na magbabawal sa malalapit na kaanak ng isang opisyal ng gobyerno na sumali sa mga kontratang pampamahalaan.

Kaugnay nito, tahasan naman nitong pinasinungalingan ang mga bintang na sangkot at nakikinabang siya sa mga benepisyong natatanggap ng kanyang pamilya mula sa construction business.

Tinawag nito ang mga bintang na “recycled, malicious at matagal nang napawalang-saysay.”

Mariin nitong sinabi, “Malinis ang konsensya ko because I observe delicadeza noon pa man hanggang sa ngayon. Para sa isang simpleng probinsyanong katulad ko, iniingatan ko talaga ang pangalan ko.”

“Unang lumabas ang alegasyong ’yan noong 2018, noong ako ay tumakbo sa unang pagkakataon sa pagka-senador. Ni-recycle na naman nila ’yan noong 2021 habang papalapit ang halalang 2022. Bago ang nakaraang halalan, ni-recycle na naman nila noong 2024,” ani Go. “Ngayong mainit ang usaping 2028 elections, binubuhay na naman nila ang isyung ilang ulit na namatay, pilit na binubuhay. Para sa iba, parang naging tradisyon at negosyo na ang paninira nila sa kapwa tao.”

Diin niya, “Ito ay estilong bulok at hindi na kinakagat ng taumbayan dahil hindi naman makatotohanan. Tatapunan ka ng putik, pipinturahan ka ng itim para lang magmukhang malinis at maputi sila.”

Ipinaliwanag niyang bago siya pumasok sa pulitika, matagal nang nakatayo ang construction business ng kanyang pamilya. “Uulitin ko ang sinabi ko noon: for the record, wala pa ako sa mundong ito ay meron nang lehitimo at maayos na negosyo ang aking pamilya. Pero ni minsan, ni piso, hindi nakinabang ang aking pamilya sa pagiging taong gobyerno ko.”

“Kahit sino ang tanungin ninyo, mula pa noong sa Davao City pa lang ako nagtatrabaho hanggang ngayon, hindi nakakalapit ang mga kamag-anak ko sa akin—kahit sarili kong tatay at half-brother—para ilakad ang anumang kontrata sa gobyerno. Nag-warning na ako noon: ang sinomang gagamit sa pangalan ko, consider it denied na.”

Kaugnay nito, sinabi pa ng senador, “Noong August 2023, sa Senate Public Works Committee hearing namin hinggil sa mga flood-control project, kinuwestyon ko na mismo kung bakit andaming proyekto sa mga lugar na wala namang mga tao. Hiningi rin natin sa Department of Public Works and Highways ang kanilang accomplishment report, master plan at project prioritization upang masiguro natin na ginagamit ang pera ng taumbayan sa mga programa at proyektong ramdam ng mga tao ang benepisyo.”

“At ngayon, upang tuluyang matuldukan ang mga haka-hakang ito, magsusulat ako sa main author ng Senate Bill No. 783 na gawin akong co-author. Ang panukalang ito ay layong ipagbawal na pumasok sa anomang kontrata ng gobyerno, mula national level hanggang sa LGU level, ang mga kamag-anak ng government officials hanggang sa fourth civil degree of consanguinity and affinity.”

Si Senate President Francis Escudero ang may-akda ng nasabing panukala na “anti-conflict-of-interest” na magpapalakas sa bagong batas na Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act, at sakop nito ang “supplies, infrastructure, joint ventures, and public-private partnerships, with narrow carve-outs for engagements deemed highly technical, proprietary, or confidential.”

Ipinaalala niya sa huli, “Bakit hindi na lang tayo magtrabaho para sa mga Pilipino. Maingay na masyado. Serbisyo, hindi pulitika, ang kailangan ng mga Pilipino.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here