MANILA, Philippines – Dumadami ang kumakastigo sa mag-amang Senador Rodante Marcoleta at Rep. Perry Marcoleta sa lantarang pagtatanggol nito sa China sa kabila ng panggigipit at panghihimasok ng Beijing sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pahayag, tila ipinarinig ni Zubiri sa mag-amang Marcoleta na hindi papayag ang Senado na isulko ang Kalayaan Island Group (KIG) sa China na pawang bahagi ng lalawigan ng Palawan at nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
“Hindi tayo papayag na isuko ang Kalayaan Island Group dahil malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas under the Constitution, the UNCLOS at pinagtibay ng 2016 arbitral ruling,” ayon kay Zubiri.
Kamakailan, lantarang ipinagtanggol ni Sen. Marcoleta sa sesyon ng Senado ang China sa pamamagitan ng mungkahi na ibigay na lamang sa Beijing ang KIG dahil “kaalyado” naman ito ng bansa.
“I will have to check first what Sen. Marcoleta really meant, especially since he is now denying the statement, and he should be given the chance to explain. Pero malinaw ang prinsipyo natin: ang Pilipinas ay atin, ang WPS ay atin, at ang KIG ay atin at hindi puwedeng isuko kailanman,” ayon kay Zubiri.
Dalawang batas ang ating ipinasa noong 19th Congress na nagpapatibay ng ating karapatan sa West Philippine Sea at sa KIG: Philippine Maritime Zones Act (RA 12604) and Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065). There are actual Filipinos and Filipino communities in KIG, at obligasyon ng gobyerno na ipaglaban ito para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Bukod kay Zubiri, niresbakan din ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson si Rep. Paolo Henry Marcoleta, na gawing bala sa kanyon ang isang “Coast Guard spokesperson” at ilang “senador” kung magdeklara ng giyera ang China sa sa Pilipinas – matapos umani ng batikos ang ama niya dahil sa mungkahing isuko ang Kalayaan Island Group (KIG).
Noong Pebrero 6, nag-post ang nakababatang Marcoleta sa Facebook na tinatawag na “taksil” ang mga naninindigan para sa WPS at nilalagay lamang daw sa panganib ang mga Pilipino sa pamamagitan ng “pahashtag-hashtag lang.”
Nitong nakaraang Miyerkules, tinapos din ni Lacson ang suhestiyon ng ama ng kongresista na si Sen. Rodante Marcoleta na isuko ang KIG, gamit ang mga legal na prinsipyo na nagpapatunay na ang Pilipinas ang tunay na may-ari ng naturang teritoryo
Kamakailan, 15 senador ang lumagda sa draft resolution na komokondena sa huling public statement ng Chinese embassy laban sa ilang opisyal na Filipino na taliwas sa tinatanggap na pamantayan sa ugaling diplomatiko at pantay na respeto sa bawat bansa.
Kinumpirma din sa resolusyon ang katayuan ng Pilipinas na may sovereign rights at responsibilidad na igiit, ilantad at ipagtanggol ang opisyal na posisyon at pambansang interest alinsunod sa international law.
Uminit ang sigalot sa pagitan ng Chinese embassy at opisyal ng Pilipinas dahil sa patuloy na panggigipit at panghihimasok ng Beijing sa West Philippine Sea na sakop ng ating bansa.
Naniniwala si Sotto na hindi maapektuhan ng relasyong diplomatiko ng bansa sa China kapag napagtibay ang resolusyon.
“Ibig ba sabihin dahil hindi nila gusto ‘yung sinasabi ng mga opisyal natin, we will just cower. Tayo ba ay basta na lang tatanggap tayo na mag papa-bully tayo? Hindi naman pwede. Kailangan pumalag tayo,” aniya. Ernie Reyes