MAGUINDANAO DEL SUR — PATAY ang field commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) na barangay kagawad, kasama ang anak nito, matapos silang tambangan ng riding-in-tandem sa Ampatuan nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Jopy Ventura, tagapagsalita ng Bangsamoro Autonomous Region Police, nakilala ang mga biktima bilang si Barangay Kapinpilan Councilor Abusama Agao at ang kanyang anak na si Norodin, habang sugatan naman ang isa pa nitong anak na si Jahara.
Batay sa report ng Ampatuan PNP, bandang 8:30 a.m. noong Oktubre 13, 2025, naganap ang krimen sa nasabing lugar.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na sakay ang mga biktima ng tricycle na minamaneho ni Norodin at patungo sana sa isang kasalan nang bigla silang pagbabarilin ng mga salarin.
Dead on the spot ang mag-ama, habang si Jahara ay agad dinala sa Maguindanao Provincial Hospital sa bayan ng Datu Hoffer.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin. Humingi na rin ng tulong sa militar ang lokal na pulisya para sa agarang pagtugis sa mga responsable. (Mary Anne Sapico)