Home NATIONWIDE La Niña inaasahang papasok sa Hulyo – PAGASA

La Niña inaasahang papasok sa Hulyo – PAGASA

MANILA, Philippines – SINABI ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang papasok sa bansa ang panahon ng La Niña phenomenon sa ikatlong bahagi ng taon o sa buwan ng Hulyo ng taong ito.

Ito ang sinabi ni PAGASA Weather Specialist Joey Figuracion na bagamat may epekto pa rin ang El Niño sa ngayon dahil may panahon na maalinsangan pa rin ay kailangan nang paghandaan ang pagpasok ng La Niña o ang panahon ng tag-ulan.

Sa ginanap na QCJI Forum sa Quezon City, sinabi ni Figuracion na ang La Niña phenomenon ay ang mas maraming ulan kaysa sa normal na rainy season at ang mga papasok na bagyo ay maraming magaganap na landfall.

Ayon pa sa weather specialist, hindi pa naman aniya pormal na maideklara ng PAGASA ang panahon ng tag-ulan sa kabila ng pagpasok ng bagyong Aghon.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Councilor Wency Lagumbay, chairman ng Ways and Means Committee ng QC Council na kung sakaling pumasok na ang La Niña sa buwan ng Hunyo at Hulyo tulad na sinasabi ng PAGASA, tiniyak nito na nakahanda na ang QC government upang ilikas ang mga residente ng lungsod na naninirahan malapit sa creek at mga estero sakaling tumaas ang tubig sa panahon ng tag-ulan.

“Ang ating Quezon City Disaster Risk Reduction and Management (QCDRRM) handa para ilikas ang ating mga residente na naninirahan malapit sa ilog at estero,” ani Lagumbay.

Sinabi pa niya na kailangan mailikas ang mga residente na ninirahan malapit sa ilog at estero sinabi pa nito. Santi Celario