Home NATIONWIDE Laban kontra korapsyon, ‘di idinadaan sa debate – Malakanyang

Laban kontra korapsyon, ‘di idinadaan sa debate – Malakanyang

256
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na hindi idinadaan sa debate ang tunay na paglaban sa korapsyon.

“Ang paglaban sa korapsyon ay hindi dinadaan sa debate kundi sa pag aksyon para mapanagot ang dapat mapanagot, iyan ang ginagawa ng Pangulo ngayon” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang tugon sa naging direktang hamon ni dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez ng isang debate kaugnay sa usapin ng maanomalyang flood-control projects.

“Ang kailangan natin ay totoong good governance na kumikilos at hindi mapangpanggap na puro pa media lang,” aniya pa rin.

Mas kahanga-hanga aniya kung noon pa naghamon ng debate si Singson ukol sa korapsyon, noong umamin di umano si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ‘corrupt’ ito at nagnakaw sa kaban ng bayan at nung aminin aniya ni Digong Duterte na puno ng ghost projects sa panahon niya subalit wala namang nagawang malawakang pag iimbestiga patungkol rito.

“Mas mapapatunayan nilang makabayan sila kung hindi sila nanahimik noon,” ang sinabi ni Castro.

Bukod dito ayaw ring patulan ng Pangulo ang hamon na debate ni Singson dahil “Maraming ginagawa at iniintinding problema ng bansa ang Pangulo. Maraming oras ang ginugugol para mapataas ang antas ng buhay ng mamayan at pagandahin ang ekonomiya. Yan ang pinaglalaanan ng oras ng Pangulo”

Sa ulat, sa isinagawang press conference ng kampo ni Chavit nitong Lunes, Enero 5, nagbigay siya ng mensahe sa tinawag niyang “former friend” na si PBBM at kay Romualdez.

“I have another message to my former friend Bongbong Marcos,” pagsisimula niya.

Dagdag pa niya, “Honorable Bongbong Marcos ang Speaker Martin Romualdez, with your permission, I’m going to Malacañang alone to challenge you into a debate about this press [conference] with all the media as a witness.”

Pagpapatuloy ni Chavit sa nasabing press conference, pupunta raw siya sa lalo’t madaling panahon para pag-usapan ang dahilan kung bakit nandoon pa rin umano sina PBBM at Romualdez sa Palasyo.

“ASAP. Sinasabi ko na ngayon. Kung bukas ang sinabi nila, pupunta ako sa Malacañang if they accept my challenge,” saad niya.

“Kung anong rason nila na bakit nandyan pa sila [sa Malacañang], ‘yon, mag-dedebate pa kami doon,” diin pa niya.

Samantala, nauna na ng ipahayag ni Chavit ang panawagan niya sa iba’t ibang religious group para sa pinaplano niyang ikasang malawakang kilos-protesta.

“We will schedule a “one time big time” rally. And nakikiusap ako sa lahat ng religious organization, lahat ng nagmamahal sa ating bansa, lahat ng ayaw sa katiwalian, in graft and corruption,” ‘ika niya.

“Lahat inaanyayahan ko kayo pero magtatanong ako kung kailan ‘yon but it should be ASAP and we will march to Malacañang,” pagtatapos pa niya.

Wala pa namang inilalabas na pahayag ang Pangulo at si Romualdez kaugnay rito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here