Home NATIONWIDE Labi ng 2 Pinoy nasa barko pang inatake ng Houti – DMW

Labi ng 2 Pinoy nasa barko pang inatake ng Houti – DMW

MANILA, Philippines – Isang salvaging operation ang isasagawa ngayong Biyernes para sa merchant ship na inatake ng rebeldeng grupong Houthis sa Gulf of Aden, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni DMW chief Hans Leo Cacdac sa isang panayam sa radyo na ang operasyon ay maaaring humantong sa pagkuha ng mga labi ng dalawang Pinoy na napatay sa pag-atake.

“Iyong dalawang labi ng dalawang nasawi ay nasa barko pa. Kasi nung tinamaan yung fuel section ng barko, instant fire ang nangyari. Ang term doon sa report ay ‘engulfed in flames’ yung lugar kung nasaan yung dalawang nasawi,” anang opisyal.

“Kaya’t noong nag-emergency evacuation, dumating ang Indian Navy sa barko, naiwan. So babalikan, may salvaging operations ngayon kaya umaasa tayo na ma-retrieve ang kanilang mga labi,” dagdag pa niya.

Ayon kay Cacdac, nasa paligid pa rin ang barko kung saan nangyari ang pag-atake.

Tatlong malubhang nasugatan na mga Pilipino ang dinala sa isang ospital habang 10 hindi nasaktan ang iba pa ay inilikas sa isang hotel sa Djibouti, aniya.

Inihahanda na ang transportasyon para sa mga biktimang Pilipino, dagdag niya.

Sinabi ng US Central Command na inatake ng mga Houthis ang barkong True Confidence na pagmamay-ari ng Greek at Barbados noong Miyerkules na ikinamatay ng tatlong seafarer kasama ang dalawang Pilipino, iniulat ng Reuters.

Mayroong 20 crew at tatlong armadong guwardiya sa barko, na binubuo ng 15 Filipino, apat na Vietnamese, dalawang Sri Lankans, isang Indian at isang Nepali national, ayon sa mga operator.

Ang Houthis ay naglunsad ng kampanya ng pag-atake sa mga sasakyang pandagat sa isa sa mga pinaka-abalang shipping lane sa mundo mula noong Nobyembre bilang pakikiisa sa mga Palestinian sa panahon ng digmaan ng Israel sa Hamas sa Gaza. RNT

Previous articleP28 flight alok sa ika-28 anibersaryo ng Cebu Pacific
Next articleDavao Oriental inuga ng M-6.1 na lindol