BULACAN, Philippines – Arestado ang isang lalaki na umanoy nagbenta ng baril sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Bocaue nitong madaling araw ng Mayo 24.
Sa ulat ni PLTCOL Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue police station, kinilala ang suspek na si alyas Ugong, 33, laborer, residente ng Brgy. Antipona.
Ayon sa ulat ng istasyon, ikinasa ang operasyon laban sa target bandang 12:40 ng madaling araw sa nasabing lugar.
Nabatid na naaktuhang nagbenta ang target ng baril kaya agad siyang inaresto ng mga pulis na nasa lugar.
Nakumpiska sa suspek ang isang belt bag na may lamang hinihinalang hand grenade at Cal. 38 pistol at buy-bust money.
Dahil dito, agad humingi ng tulong ang istasyon sa Provincial Explosive Canine Unit sa Malolos upang magsagawa ng kaukulang explosives investigation sa nasamsam na hinihinalang granada.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa istasyon para sa wastong dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso. (Dick Mirasol III)