PAPALAPIT na naman ang Pebrero 14 o Valentine’s Day, na kilala rin bilang Araw ng mga Puso. Itinatag ang pagdiriwang na ito bilang kapistahan sa Simbahang Katolikong Kristiyano bilang paggunita kay Saint Valentine, isang paring Katoliko noong ikatlong siglo sa Roma. Ayon sa mga tala, pinatay siya bilang martir noong Pebrero 14, taong 269 o 270 AD sa ilalim ng pamumuno ni Emperador Claudius II.
Kilala si Saint Valentine sa pagsuway sa kautusan ng emperador na nagbabawal sa pagpakasal ng mga sundalo. Sa kabila nito, patuloy siyang nagkasal ng mga magkasintahan sa lihim. Dahil sa kanyang paninindigan sa pananampalataya at pagtatanggol sa kasal, itinuring siyang martir ng pag-ibig at pinugutan ng ulo. Bilang pagkilala sa kanyang sakripisyo, itinalaga ang Pebrero 14 bilang kanyang kapistahan at kalaunan ay naging pandaigdigang araw ng pagdiriwang ng pag-ibig.
Samantala, binigyang-kahulugan ng mga sinaunang Griyego ang iba’t ibang anyo ng pag-ibig. Kabilang dito ang agape o walang pasubaling pag-ibig na iniuugnay sa malasakit sa kapwa at sa Diyos. Mayroon ding storge o pagmamahal sa pamilya, philia o pagkakaibigang nakabatay sa tiwala at paggalang, at eros o romantikong pag-ibig na may kaugnayan sa atraksyon at damdamin.
Nariyan din ang ludus o magaan at mapaglarong pag-ibig, pragma o pangmatagalang pag-ibig na nakabatay sa pangako at tungkulin, at philautia o pagmamahal sa sarili na itinuturing na mahalagang pundasyon sa pakikipag-ugnayan sa iba. Sa kabilang banda, kinikilala rin ang mania o obsesibong pag-ibig na maaaring magdulot ng hindi malusog na relasyon.
Sa kasalukuyan, hindi lamang umiikot sa romantikong relasyon ang diwa ng Araw ng mga Puso. Itinuturing din ito bilang pagkakataon upang kilalanin ang iba’t ibang anyo ng pagmamahal—sa pamilya, kaibigan, at komunidad. Sa Pilipinas, binibigyang-diin ng ilang sektor ang pag-ibig sa bayan bilang mahalagang anyo ng pagmamahal. Iniuugnay ito sa paninindigan laban sa katiwalian, pagsusulong ng reporma sa pamahalaan, at pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Sa gitna ng mga hamon sa lipunan, patuloy na ipinaaalala ng pagdiriwang ng Valentine’s Day na ang pag-ibig, sa iba’t ibang anyo nito, ay nananatiling mahalagang puwersa sa pagkakaisa at pagkilos ng mamamayan.






