MANILA, Philippines – Ipinatigil na ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng aktibidad kaugnay ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa halalan na nakatakda sana sa Nobyembre 2, 2026.
Kabilang sa ipinatigil ang paghahain ng certificates of candidacy at ang kasunod na campaign period. Inalis din ng Comelec ang mga pagbabawal na dating ipinatutupad kaugnay ng nakatakdang halalan.
Gayunman, magpapatuloy ang ilang paghahanda, kabilang ang pag-iimprenta ng karagdagang balota, accountable forms, Election Day Computerized Voters List at Posted Computerized Voters List hanggang makumpleto ang kinakailangang dami.
Itutuloy rin ang nakabinbing procurement at delivery ng mga form at election supplies. Ang mga naimprenta at nabili nang election materials ay dapat itago at pangalagaan para magamit sa susunod na BSKE.
Samantala, magpapatuloy ang voter registration para sa 2028 National and Local Elections simula sa ikalawang linggo ng Nobyembre 2026. RNT/MDS