Home NATIONWIDE Lahat ng may sala sa Bataan oil spill mananagot – DOJ

Lahat ng may sala sa Bataan oil spill mananagot – DOJ

MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Justice (DOJ) na makakasuhan ang lahat ng indibidwal na may pananagutan sa Bataan oil spill dulot ng pagtaob ng tatlong barko.

Ang oil spill sa Bataan ay nakaapekto na rin sa mga karatig na probinsya gaya sa Cavite at Marinduque.

Sa kasalukuyan, bilyong piso na ang tinatayang pinsalang idinulot sa mga mangingisda at sa marine at aquatic resources.

Sinabi ni Assistant Secretary Jose Dominic F. Clavano IV, hindi lamang ang mga may-ari at opisyal ng lumubog na MT Terra Nova at dalawang iba pang barko ang papanagutin kungdi hahabulin rin ng DOJ ang mga otoridad na nag-apruba para makapaglayag ang mga barko kahit hindi nararapat.

“Ang goal natin ay kung meron mang nagkamali, kung meron mang conspiracy sa pag bigay ng lisensya, kailangan natin malaman yun dahil marami po talagang naapektuhang kababayan natin,” ani Clavano.

Kailangan aniya mabatid sa imbestigasyon ang kapalpakan ng ilang otoridad at kung may anomalya sa pagproseso ng lisensya sa mga barko.

Maliban sa pagsasampa mg kaso, tutulong din ang DOJ sa local government units (LGUs) kaugnay sa pagbabayad sa mga apektadong mangingisda at residente.

“It is very important to note that ‘Upholding the Rule of Law’ is not merely limited to the administration of justice amongst men, but also covers safeguarding and preserving the environment and our natural resources for the use of future generations. Anyone who tramples upon these precious wonders of nature shall be dealt with the full extent of the law,” sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Teresa Tavares