MANILA, Philippines – Naka-heightened alert ngayon ang lahat ng opisina ng Department of Migrant Workers (DMW) sa buong Middle East habang patuloy na tumataas ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na ang direktiba ay nagmula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Ayon kay Olalia, lahat ng kanilang front offices lalo na ang Migrant Offices sa Israel, Jordan, Lebanon at iba pang bansa sa Middle East ay inilagay na sa heightened-alert dahil sila ang apektado sa kaguluhan.
Dagdag pa ni Olalia, nakahanda ang DMW at ang OWWA sakaling lumala pa ang kaguluhan at lumawak pa ang regional conflict
sa nasabing bansa.
“Hindi lang po ang Israel at Iran ang aming binabantayan kundi lahat ng Middle East countries,” ani Olalia.
Lahat ng labor attache at kawani ay 24/7 ngayon na nakaduty kung saan kinansela ang mga leave at ang hotline ay fully operatioanal round-the-clock.
“Walang holiday, walang weekend. Lahat ng hotlines may nakaantabay. Ready tayo for any emergency,” pahayag ni Olalia.
Pinagana rin ng DMW ang 24/7 hotline nito para sa overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya:
Sa loob ng PH: 1348
Sa labas ng PH: +63 2 1348
Tiniyak ni Olalia na ang contingency plan ay nakahanda na rin sakaling lumala ang sitwasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden