UNITED STATES – Ipinag-utos ni US President Donald Trump nitong Huwebes, Agosto 27, ang pagpapalit ng pangalan ng Lake Ontario bilang “Lake America,” kasabay ng patuloy na paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Canada.
Nilagdaan ni Trump ang isang executive order na nag-uutos sa US Department of the Interior na baguhin ang mga opisyal na reference sa lawa at gamitin ang pangalang “Lake America” sa loob ng 30 araw.
“We’re going to be changing the name of Lake Ontario effective immediately to Lake America,” ani Trump habang nilalagdaan ang kautusan sa White House.
Agad namang tinutulan ni Canadian Prime Minister Mark Carney ang hakbang at iginiit na mananatiling Lake Ontario ang pangalan nito.
“We know that America is changing,” ani Carney sa isang post sa X.
“Canadians also know that naming reality means calling it Lake Ontario — then, now and always,” dagdag niya.
Ang Lake Ontario ang pinakamaliit sa limang Great Lakes at nasa hangganan ng Ontario, Canada at New York sa Estados Unidos.
Ayon kay Carney, mahigit 400 taon nang ginagamit ang pangalan ng lawa, bago pa man nabuo ang Estados Unidos at Canada. Nagmula umano ito sa Indigenous word na nangangahulugang “the lake is beautiful, the lake is big.”
Samantala, binanggit sa executive order ni Trump na ang pinakamalalim na bahagi ng lawa ay nasa panig ng Estados Unidos, kaya umano ay “claims most of the Lake’s volume” ang bansa.
Ang hakbang ay kahalintulad ng unilateral na pagpapalit ni Trump noong Enero 2025 sa pangalan ng Gulf of Mexico bilang “Gulf of America,” na tinutulan din ng Mexico.
Ang pagpapalit ng pangalan sa Lake Ontario ay kasunod ng pagkabigo ng trade talks ng US at Canada noong nakaraang linggo, na humantong sa pagpapataw ng magkabilang panig ng tariffs.
Tumaas din ang tensyon matapos muling igiit ni Trump ang ilang territorial claims, kabilang ang panukalang gawing ika-51 estado ng US ang Canada.
Nagpahiwatig din ang US president na maaari niyang isaalang-alang ang pagpapalit ng pangalan ng mga karagatan na nakapaligid sa Estados Unidos.
“We have a gulf and we have a lake. Now all we need is an ocean. So, maybe we’ll have to change the name of the Atlantic and/or the Pacific. Maybe we’ll change them both,” ani Trump.
Samantala, nahaharap si Trump sa mababang approval ratings habang patuloy ang mga suliraning pang-ekonomiya sa US at papalapit ang November midterm elections. RNT/JGC