LAGUNA, Philippines – Arestado ang isang lalaki sa isang raid sa Biñan, Laguna dahil sa pag-iingat ng hindi rehistradong baril, bala, at pampasabog.
Nagpatupad ng search warrant ang Criminal Investigation and Detection Group (PNP – CIDG) ng Philippine National Police sa Laguna sa isang bahay sa Biñan, kung saan nadiskubre nila ang isang bag na naglalaman ng Sniper rifle na may scope at silencer, AK-47 rifle na may magazine, M-16 rifle, Double-barrel shotgun, ilang 9mm pistols, Pocket pistol, Disassembled caliber 45 pistol, Caliber 38 pistol na may scope, iba’t-ibang ammunition at dalawang granada.
“Sa record check na ginawa namin, mayroon siyang 9 registered firearms licensed, but yung 4 doon unrenewed since 2024. We conducted casing doon sa area, and then that’s the time na inapplyan na namin siya ng search warrant. Tumambad satin doon ang iba’t ibang uri ng baril. Ang iba, high-powered firearms and we even recovered 2 explosives, mga granada po,” ayon kay CIDG Laguna chief Police Lieutenant Colonel Ivan Soriano.
Sinabi ng suspek sa mga awtoridad na hawak niya ang mga baril na ito mula nang mamatay ang kanyang kapatid at ipinagkatiwala ang mga ito sa kanya.
“Bukod sa mahilig sa baril tong subject natin talaga, accordingly, yung kapatid niya na namatay several years ago, siya yung napag-iwanan ng mga baril niya… Hindi niya ginawan ng tamang proseso ang mga baril na ‘yun,” ayon kay Soriano.
Nakakulong ngayon ang suspek sa CIDG facility sa Cabuyao, Laguna at mahaharap sa kasong possession of unregistered firearms and explosives. RNT/MND