Home METRO Lalaki itinumba ng black rider

Lalaki itinumba ng black rider

MANILA, Philippines – Pinaulanan ng bala ang isang lalaki ng nag-iisang gunman na sakay ng motorsiklo sa gitna ng kalsada sa Biak na Bato St., sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng hapon, Pebrero 11.

Hindi na umabot pang buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima na si Mark Jeff Florentino, 33, residente ng Biak na Bato St., Brgy. 294, Tondo, Maynila.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakilanlan ng suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na t-shirt at sapatos na sakay ng kulay itim din na motorsiklo na walang plaka.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, sinabi ng ilang testigo na alas-3:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Biak na Bato at Alley 4.

Ayon kay Crystal, kasama niya ang kanyang ama sa Alley 4 nang dumating ang suspek na naka-motorsiklo.

Binunot ang hindi mabatid na kalibre ng baril sa kanyang bewang saka pinagbabaril ang biktima na nagresulta ng kanyang kamatayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden