CAVITE, Philippines – Natusta ng buhay ang isang lalaki matapos sumiklab ang sunog sa katabing kwarto na inuupahan nito kaninang hatinggabi sa Imus City.
Kinilala ang biktimang si Eduardo Ancog, 58, at nakatira sa Barangay Buhay na Tubig, Imus City.
Batay sa report ng Bureau of Fire Protection, Imus City, bandang 12:00 ng hatinggabi nagsimula ang sunog sa isa sa mga paupahang kuwarto na pag-aari ng isang Melissa Ramirez Noche sa nabanggit na lugar.
Sa pahayag ni Noche sa Remate News Team, nagsimula ang sunog sa isa sa mga kuwarto na kanilang pinauupahan na may nakasinding kandila dahil sa power interruption ng Meralco na nagkukumpuni ng mga poste sa kahabaan ng Barangay Buhay na Tubig sa nasabing lungsod.
Sinabi ni Noche, posibleng pinaglaruan ng bata ang nakasinding kandila hanggang sa bumagsak ito sa foam at mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa lamang sa light materials ang ibang kabahayan na nadamay at pati ang mga liquified petroleum gas ay nagputukan hanggan sa tuluyan natupok ang mga paupahan na kwarto.
Tuluyan naman naapula ng mga rumespondeng pamatay-sunog ang apoy dakong ala-1:18 ng madaling araw at nadiskubre ang bangkay ni Ancog na sunog at naputol na rin ang kamay.
Kwento ng mga saksi, lasing si Ancog at tinatawag nila ito para lumabas ng kanyang silid subalit hindi na ito sumasagot na posibleng nakatulog na ito sa kalasingan.
Tinataya naman aabot sa P500,000.00 ang kabuuang ari-ariang tinupok ng apoy. /Mary Anne Sapico