MANILA, Philippines – Tila namimiss ng lalaking kalalaya lamang ang rehas na bakal matapos itong muling ikulong sa kasong panunutok ng baril sa Valenzuela City.
Hindi alam ng suspek na si alyas “Kevin”, na pulis na pala ang dalawang naka-sibilyang lalaki na lumapit sa kanya dakong alas-12:15 ng madaling araw habang naglalakad na nakasukbit ang baril sa baywang sa Barangay Marulas na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagsasagawa ng Anti Criminality Operation ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa Barangay Marulas nang humahangos na lumapit sa kanila si alyas “Cruz”, 22, at inireklamo ang pananakot at panunutok sa kanya ng baril ng suspek.
Sa halip na buong puwersa ng Valenzuela Police Sub-Station 3 ang magresponde, ang mga naka-sibilyang pulis na sina P/Cpl. Mark Anthony Gachalian at P/Cpl. Ledick Bacuran muna ang nagtungo sa lugar upang hindi mabulabog ang suspek.
Nakumpisa kay alyas Kevin ang hindi lisensiyadong kalibre .45 STI Edge pistol na may tatlong bala sa magazine matapos magpakilalang mga pulis ang umaresto sa kanya. Merly Duero