COTABATO CITY- DUGUAN bumulagta ang isang kasapi ng Indigenous People matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay kukuha ng indigent certificate, iniulat kahapon, Oktubre 7 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Jun Quimba, nasa hustong gulang at residente North Upi, Maguindanao Del Norte.
Batay sa report ng Cotabato City-PNP, bandang 9:00 AM naganap ang krimen sa labas ng tanggapan ng Ministry of Indigenous Peoples Affair sa San Isidro Corner del Cano Street, Barangay RH10 ng naturang lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakatayo ang biktima sa harap ng nasabing tanggapan ng bigla na lamang itong pinagbabaril ng suspek saka mabilis na tumakas.
Nagawa naman isugod sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa di-mabatid na kalibre na armas sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa pagdakip. Mary Anne Sapico