MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaking papasok sana sa trabaho matapos barilin ng dalawang beses sa kalsada ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktima sa Gerona St., Barangay 86 nang salubungin ito ng suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Pagkatapat sa biktima ay dito na ito bumunot ng baril at pinaputukan ang lalaki na agad bumagsak sa gilid ng kalsada.
Napatakbo naman ang isa pang lalaki na kasabay lamang ng biktima nang mangyari ang insidente.
Samantala, nakatakas ang salarin sa pamamaril na nakasuot ng helmet kung kaya’t hindi nakita ang mukha nito. Wala rin umanong plaka ang motorsiklo na ginamit ng suspek.
Ang biktima ay empleyado ng isang department store sa Maynila.
Wala pang pahayag ang Manila Police District kaugnay nito bagama’t nagsasagawa na ng follow-up investigation upang matukoy ang salarin sa pamamaril. RNT/JGC