MANILA, Philippines – Bagsak sa selda ang isang lalaking sangkot sa pagbebenta ng hindi lisensyadong baril makaraang masakote ito sa naganap na buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Batay sa report mula sa tanggapan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang suspek ay kinilala sa alyas na “Erwin”, 38, residente ng Brgy., 176-C, Bagong Silang ng lungsod.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section hinggil sa umano’y iligal na pagbebenta ng suspek ng baril.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Intelligence Section sa pangunguna ni P/Capt. Mark Son Almeranez ang buy bust operation laban kay alyas Erwin.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang baril, kaagad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-10:00 ng gabi malapit sa kanyang tirahan sa Bagong Silang.
Maliban sa nabili na isang kalibre .45 pistol na kargado ng isang magazine at tatlong bala, nakumpiska din sa suspek ang buy bust money at isang 40mm HE High Explosive Grenade intended for grenade launcher. (Merly Duero)