MANILA, Philippines – Isang landslide ang naitala sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City nitong Miyerkules ng umaga, Hulyo 23.
Ayon sa ulat, naganap ang pagguho ng lupa sa Don Vicente Street bago mag-alas-6 ng umaga.
Halos kalahati ng lupa sa ilalim ng isang bahay ang bumigay, ngunit ligtas naman ang mga nakatira rito.
Bumagsak din ang lupa at kawayan sa kalsada, dahilan upang maharangan ang daan at magdulot ng mabigat na trapiko sa mga motoristang dumadaan mula sa Sitio Veterans, IBP Road, at J.P. Rizal. Umabot sa dalawang oras ang bigat ng daloy ng sasakyan.
Stop-and-go traffic scheme ang ipinatupad sa apektadong lugar.
Patuloy namang nagsasagawa ng clearing operations ang mga awtoridad at mga residente upang alisin ang mga debris at maibalik ang normal na daloy ng trapiko. RNT/JGC