MANILA, Philippines – Mahigpit na pinagpapaliwanag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Department of Agriculture hinggil sa natukalsang farm-to-market road na may coordinates sa karagatan.
Sa pahayag, nanawagan si Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na dapat linawin ni Laurel at DA ang FMR road projects na nagkakahalagang P78 milyon sa Nueva Ecija at Cebu na nasa karagatan.
Nagpahayag ng pangamba si Pangilinan sa natuklasan ni People’s Budget Coalition co-convenor Ken Abante sa pagdinig ng Senado na ilang farm-to-market grid coordinates ang natagpuan sa karagatan kabilang ang Benham Rise at Celebes Sea.
Ani Pangilinan, kailangang alamin ang puno’t dulo nito para hindi na lumala o maulit.
Aniya, paano ito nakalusot, paano na-verify at nai-record sa government databases ang mga coordinates na nasa dagat pala, mali ba ang coordinates, may problema ba sa validation, o may iba pang iregularidad.
Aniya, ganito dapat gumana ang transparency portal at pinuri niya ang People’s Budget Coalition sa pagbubunyag ng mga proyekto.
Ngunit, aniya, kailangan kumilos din nang mabilis at tiyakin na walang lapses at loopholes na maaaring samantalahin ng mga corrupt na tao sa gobyerno para sa kanilang kapakinabangan, na tumutukoy sa FMR Watch ng DA.
Sa pagdinig sa panukalang budget ng DA nitong Miyerkules, Oktubre 21, iniulat niya ang P23 milyong halaga ng FMR na dapat ay nasa Nueva Ecija ngunit natagpuan malapit sa Benham Rise.
Isa pang proyektong nagkakahalaga ng P30 milyon na dapat ay nasa Cebu ang natagpuang nasa Celebes Sea malapit sa Indonesia, habang ang katulad na P55 milyong FMR project ay natagpuan malapit sa Brunei.
Binigyang-diin ni Pangilinan na mahalaga ang FMR projects sa pag-uugnay ng mga magsasaka at mangingisda sa pamilihan, pagpapababa ng gastos sa transportasyon, pagbawas ng post-harvest losses at pagtitiyak na makararating ang mga produktong agrikultural sa mga mamimili sa makatwirang presyo.
Aniya, bawat pisong inilaan para sa pagtatayo ng FMR ay dapat maging kapaki-pakinabang na imprastraktura para sa mga benepisyaryo.
Tulad ng flood control, nakatutok din ang taumbayan sa mga farm-to-market project dahil sa lumalalang kalagayan ng food security sa bansa. Kailangan ito hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng lahat ng Pilipinong umaasa sa kanilang mga ani.
Nanawagan siya ng masusing pagrepaso sa mga apektadong project records kabilang ang geographical coordinates, approved plans, contracts, implementation status, inspection reports at aktwal na lokasyon sa ground.
Hinimok din niya ang DA na palakasin ang FMR transparency dashboard sa pamamagitan ng pagtugon sa mga technical gaps na nakakaapekto sa reliability ng datos at tiyakin na ito ay magiging maaasahan, accessible at regular na updated na plataporma para sa public monitoring.
Kabilang dito ang pag-standardize ng mapping at geotagging procedures at paggamit ng mas tumpak na land-surveying equipment gaya ng Real-Time Kinematic technology sa halip na karaniwang mobile devices para matiyak ang tamang coordinates.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi sapat ang paglalathala ng impormasyon kung mali, luma o mahirap i-verify ang datos. Ani Pangilinan, aanihin ang dashboard kung mali-mali naman pala ang datos dito at kung seryoso ang gobyerno sa pagiging transparent at accountable ay dapat malinaw at tama ang impormasyon sa portal.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas malakas na public monitoring sa FMR projects at sinabing ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan sa huli ay pakinabang ng mga taong pinagsisilbihan ng mga proyekto. Ernie Reyes