MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na kapangalan ng sikat na actor sa kanilang lugar na si Lee Minho, sa isinagawang operasyon sa Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 25.
Si Lee, 37, ay inaresto ng mga ahente ng BI fugitive search unit (FSU) sa loob ng Clark Freeport Zone.
Nabatid sa BI na isang mission order ang inilabas laban kay Lee matapos nilang makatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng South Korea na pinaghahanap ito sa kanyang sariling bansa para sa isang krimen na kanyang ginawa limang taon na ang nakakaraan.
“Lee allegedly conspired with other suspects in using a baseball bat to inflict serious physical injuries on a victim which resulted in the latter’s hospital confinement for several days,” ayon sa BI.
Isang warrant of arrest ang inilabas laban kay Lee ng Suwon District Court noong Pebrero 2024 para sa Special Bodily Injury na lumalabag sa Criminal Act of the Republic of Korea.
Napag-alaman na paksa din ng Interpol red notice ang dayuhan na inilabas noong Oktubre ngayong taon para sa parehong kaso.
Samantala, iniulat din ng BI ang pagkakaaresto sa 4 pang pugante noong nakaraang linggo.
Ayon sa rekord ng BI, noong Nob. 26 ay inaresto ng mga ahente ng BI-FSU sa Lupon, Davao Oriental City ang isang Jordanian national na si Shalabi Nidal Mohd Suleiman, 53, isang overstaying alien na wanted sa Dubai dahil sa pagnanakaw. Nagnakaw umano ang nasabing Jordanian ng pera na nagkakahalaga ng higit sa 110,000 Euros at 200,000 AED mula sa kanyang dating amo.
Inaresto naman noong Nobyembre 27 sa Makati City ang puganteng Chinese na si Wei Xiaofeng, 28, na pinaghahanap dahil sa ilegal na paggamit ng mga kagamitan para manghimasok sa privacy ng kanyang mga biktima. Siya ay inakusahan ng paglikha ng isang Telegram account na ginagamit upang ipamahagi ang mga video na ipinagbabawal na naitala gamit ang mga nakatagong camera na naka-install sa mga establisyimento ng hotel, na kumukuha ng mga indibidwal nang hindi nila alam o pahintulot.
Panghuli, naaresto sa Pasay City noong Nob. 29 ang mga Taiwanese national na sina Chen Chi-Yin, 32, at Huang Chun Fu, 31, na wanted sa pandaraya sa Taiwan.
Inakusahan sila na miyembro ng kilalang Bamboo Triad syndicate na sangkot sa malalaking operasyon ng baril at pagpuslit ng droga.
Giit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na walang lugar sa Pilipinas ang mga dayuhang pugante.
“Our close coordination with our foreign counterparts led to the arrest of these fugitives,” ani Viado.
“The Philippines is not a sanctuary for wanted foreign criminals. They will be deported, blacklisted and perpetually banned from re-entering the country for being undesirable aliens,” dagdag pa ng opisyal. JR Reyes