Home METRO Libreng gamot vs leptospirosis, available sa 13 health center sa Pasay

Libreng gamot vs leptospirosis, available sa 13 health center sa Pasay

1
0

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang mga residente sa lungsod na lumusong sa baha na agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar kung saan makakakuha ng libreng gamot na doxycycline sa 13 health center na makatutulong sa pag-iwas sa sakit na leptospirosis.

Pinaalalahanan din ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga residente na mag-ingat laban sa bacterial disease na ito na maaaring makuha sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa tubig-baha o lupang kontaminado ng ihi ng mga hayop na may impeksiyon, partikular na ang ihi ng mga daga.

Mas mataas ang panganib na mahawa ang mga taong may mga hiwa, sugat o galos kapag nalagay sa kontak sa posibleng kontaminadong tubig-baha.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang mga residenteng nalantad sa tubig-baha ay pinayuhan na magtungo sa pinakamalapit na health center para sa pagsusuri upang matukoy ng mga health professional kung angkop sa pasyente ang doxycycline batay sa uri ng pagkakalantad at kanyang kalagayan sa kalusugan.

Binigyang-diin din ni Calixto-Rubiano na hindi dapat basta-basta lang uminom ng doxycycline o anumang antibiotic ang mga residente nang walang payo ng doktor dahil ang gamot ay dapat lamang inumin kapag ipinayo ng isang healthcare professional.

Ang mga health center na nagbibigay ng libreng konsultasyon at doxycycline ay ang mga sumusunod:

• Cuyegkeng Health Center

• Leveriza Health Center

• San Isidro Health Center

• Dra. Elvira Lagrosa Health Center

• M. Dela Cruz Health Center

• San Roque Health Center

• Dona Marta Health Center

• Dona Nena Health Center

• Malibay Health Center

• San Pablo Health Center

• Villamor Health Center

• MIA Health Center

• Kalayaan Health Center

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang mga residenteng nalantad sa tubig-baha ay nararapat na agad magpasuri sa health center at huwag nang hintayin pang lumitaw ang mga posibleng sintomas ng leptospirosis bago humingi ng atensiyong medikal.

Layunin din ng pamahalaang lungsod ang hakbang na mabawasan ang panganib ng leptospirosis, partikular sa mga residenteng maaaring nalantad sa kontaminadong tubig-baha. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here