Home OPINION LIFESTYLE CHECK

LIFESTYLE CHECK

2686
0

INIUTOS kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, simula sa Department of Public Works and Highways hanggang sa tanggapan ng ehekutibo.

Bahagi ito ng “krusada” umano na habulin at parusahan ang mga nagkamal ng salapi sa flood control “ghost” projects sa bansa.

Sinabi ng Pangulo na hindi siya titigil hanggang hindi naparurusahan ang lahat ng nagnakaw sa kabang bayan.

Napakabagsik ng deklarasyon ngunit hindi kaya liparin lang ng hangin? Isang aksyon na parang isa lang sarsuwela at retorika na paglaban kunwari sa katiwalian.

Sa una, ang anunsyo ni Marcos ay napakagandang pakinggan na aakalain mong seryoso sa paglaban sa pandarambong sa pambansang kaban na umaabot na sa trilyon sa higit tatlong taon pa lang niya sa posisyon.

Hindi na niya malilinlang ang publiko. Hindi lang naman kasi ito ang unang pagkakataon na naglunsad ang gobyerno ng ‘lifestyle check’ dahil sa katiwalian.

Nakita na natin ang ganitong teleserye sa mga nakalipas na administrasyon.

Ito ay palaging ginagamit na palabas, pampulitikang solusyon, pag-iingay sa media upang ang publiko na humihingi ng pananagutan ay mapatahimik.

Magpapatuloy lang ang ikot ng balita, gayundin ang mga pagsisiyasat ngunit babalik sa dati o mas malala pa. Nakita n’yo naman, trilyon na ang ninakaw sa ating pambansang salapi.

Ano ang resulta ng mga nakaraang lifestyle check? Ilang marangyang pamumuhay ang nasuri, ilang ill-gotten mansion ang na-sequester, ilang bank account ang nabuksan at may opisyal bang natanggal sa kapangyarihan?

Sa halip, patuloy ang mga buwayang kurap sa gobyerno, at ang kanilang “nepo babies” sa pagbubuyangyang ng kanilang mga dinambong na kayamanan.

Gumagala kung saan-saang lupalop para ipagyabang sa social media ang kanilang mga tinatamasa sa pagnanakaw. Mga taong tinatawag ngayon na “from robs to riches”.

Dapat nang mawasak ang ganitong baboy na pag-uugali ng mga kawatan sa pamahalaan. Maaari lang itong mangyari kung ang lifestyle check campaign ay magiging seryoso at epektibo.

Ang kailangan lang ni Pangulong Marcos, Jr. ay magkaroon ng political will o kamay na bakal.

Ngunit hanggang hindi siya nagpapakita ng “totoong bayag”, ang utos niya na “lifestyle check” ay magiging isang pagtatanghal ng isang zarzuela, ang mga buwaya ay patuloy na lalamunin ang pera ng bayan.

Heto ang kabalintunaan: Magkaroon kaya ng “bayag” ang Pangulo laban sa kanyang mga kaalyado, kaibigan at kamag-anak na inaakusahang nagkamal ng nakaw na yaman? Dito siya magsimula.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here