MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Korean Ambassador to the Philippines His Excellency Lee Sang-hwa at sa buong Manila Koreatown Association ang mas ligtas at tahimik na Koreatown upang matiyak ang kaligtasan at kapanatagan ng mga turistang Koreano, mamumuhunan, at maging mga residente sa lugar.
Binitiwan ni Domagoso ang nasbaing pahayag sa ginanap na congratulatory luncheon na itinaguyod ni Korean Ambassador to the Philippine Lee Sang-hwa at ng Manila Koreatown Association Martes ng tanghali.
Sa naturang kaganapan, inilahad ng Ambassador ng Korea na dalawa ang alalahaning nais iparating sa alkalde, kabilang na rito ang kaligtasan at seguridad sa Korean community.
Bukod dito, sinabi ni Ambassador Lee kay Yorme Isko na naghahanda ang Embahada ng Korea sa pagsusulong ng Malate tourism para sa mga Korean nationals at ang katatagan ng lugar aniya ang magsisilbing susi upang makaakit ng maraming turista at mamumuhunan.
Bilang tugon, kaagad na nagbigay ng direktiba si Mayor Domagoso sa Manila Police District (MPD) partikular sa Malate Police Station, na paigtingin ang police visibility sa lugar upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
“We assure you, the Korean embassy, of a safe and secure Malate Koreatown in Manila for Korean tourists, investors, businessmen and citizens,” pagtitiyak ng alkalde.
Labis naman na ikinatuwa ni Ambassador Lee sa tugon ni Yorme na pumuri pa sa “open door policy” ng lokal na pamahalaan.
“With your strong leadership, we are happy with your Open-Door policy, Mayor,” pahayag ni Ambassador Lee.
Sinabi naman ng alkalde na uunahin kaagad nila ang paglalagay ng mga street lights sa Malate upang maging maliwanag ang Koretown at maging ligtas, hindi lamang ng mga naninirahan sa lugar kundi maging ang mga nagtutungo at nagtatrabaho sa lugar. JAY Reyes