PORMAL na binuksan nitong November 28, 2029 sa Robinsons GenTri Activity Center sa Barangay Tejero, General Trias, Cavite ang “Fiesta Haraya 2024: Likha at Husay ng CALABARZON” na programa ng Department of Trade and Industry Region 4A, Provincial government of Cavite, at local government of General Trias.
Sina DTI 4A Regional Director Marissa Argente, Cavite Governor Athena Tolentino at vice mayor Jonas Labuguen, at Rafael Antonio Gutierrez ng Robinsons Land Corporation ang siyang nanguna sa pagbubukas ng pestibal na nagbigay-pugay sa mga talento at obra ng Calabarzon sa iisang okasyon.
Hanggang ngayong December 1, 2024 ay makikita ang mga likhang sining, pagtatanghal ng mga lokal na artista, demonstrasyon at workshop mula sa mga eksperto sa sining, at maging ng kampanya para sa impormasyon mula sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor ng CALABARZON.
Ayon kay Regional Director Argente, “Layon ng DTI-4A na itaguyod ang lokal na sining at kultura, hikayatin ang kooperasyon at networking, suportahan ang mga umiiral at nagsisimulang negosyante mula sa iba’t ibang creative clusters, at palakasin ang creative entrepreneurship, kakayahan sa kompetisyon, at inobasyon”.
Sa loob ng limang araw ay nagkaroon ng pagtatanghal ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon at ipinakita ang mga natatanging sining, kultura, at malikhaing kakayahan ng bawat lalawigan. Kabilang sa mga pinaka-inabangang aktibidad sa pestibal ang fashion show na tampok ang mga likhang damit, aksesorya, at sapatos mula sa Laguna, gayundin ang fruit carving, woodwork, at embroidery demonstration ng probinsya.
Itinampok ng Cavite ang mayamang tradisyong musikal nito sa pamamagitan ng mga marching band, spoken word poetry, at painting exhibition.
Ipinakita naman ng Batangas ang calado-style embroidery demonstration, pagtatanghal ng katutubong sayaw, at teatro.
Tampok din ang Higantes parade at bonsai workshop ng Rizal, habang ang Quezon ay nagpakita ng paggawa ng kiping at mga sayaw pangkultura tulad ng Tagayan Ritual at kiping-making demonstration.
Nagkaroon din ng serbisyo ang DTI-4A para sa mga nagnanais na magsimula ng negosyo kabilang ang business name registration, consumer welfare desk, business loan assistance, at iba pa.






