Home METRO Lisensya ng driver sa Taguig road rage sinuspinde ng LTO

Lisensya ng driver sa Taguig road rage sinuspinde ng LTO

MANILA, Philippines- Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng 90-day preventive suspension sa lisensya ng driver sa isang viral video na bumangga sa isang motorsiklo at  kumaladkad sa isang traffic enforcer sa Taguig City.

Sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II nitong Biyernes na ikinasa ang preventive suspension bilang bahagi ng gumugulong na imbestigasyon sa insidente base sa reklamong ipinadala ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chair Don Artes.

“Hindi lang po preventive suspension, nilagay na rin po natin sa alarma ang pulang Hyundai Stargazer na may plakang NHF588 habang isinasagawa ang ating imbestigasyon tungkol dito,” ani Mendoza.

Nagpalabas din ng show cause order (SCO) sa registered owner ng Hyundai Stargazer at sa kanyang asawa na inaming nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang insidente.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO Land Enforcement Service Director Francis Ray Almora, ipinag-utos sa registered owner at sa driver na magtungo sa LTO central office sa Sept. 3 upang magsumite ng notarized comment at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan.

Inatasan din ang driver na isuko ang kanyang driver’s license.

Kabilang sa mga kaso laban sa driver ang reckless driving, failure to comply with the duty of the driver in case of an accident, at improper person to operate a motor vehicle – kapwa paglabag sa Republic Act No. 4136.

Nitong Huwebes, nagtungo ang driver sa MMDA at inamin ang pagkakasangkot niya sa insidente.

Sa kabila ng paghingi nito ng paumanhin, inihirit ni Artes ang suspensyon ng kanyang lisensya sa LTO at naghahandang maghain ng attempted homicide at direct assault charges laban sa driver.

Batay sa police investigation, nag-sideswipe ang pulang Hyundai Stargazer sa Honda Click motorcycle sa East Service Road malapit sa Nichols PNR Station noong Aug. 27.

Matapos mabangga, inunahan ng motorsiklo ang Stargazer upang harangin ito subalit binangga muli sa rear, saka tumakas ang driver ng Stargazer.

Nakita ng isang MMDA traffic enforcer ang insidente at sinubukang pigilin ang suspek subalit nakaladkad nang tumayo sa harap ng sasakyan. RNT/SA