MALABON CITY, Philippines – Isang 63-anyos na lola ang inaresto dahil sa anim na bilang ng mga kaso ng katiwalian o anti graft and corruption sa Malabon City kahapon.
Dakong alas 4:15 ng hapon nang arestuhin ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon-PNP sa kahabaan ng Samson Street, Barangay Baritan, Lungsod ng Malabon ang suspek na nakilala sa alyas “Baby”.
Naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest para sa Paglabag sa Seksyon 3(e) ng Republic Act 3019, na kilala rin bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act (anim na bilang), na inisyu ng Associate Justice at Chairperson ng Special Third Division, Sandiganbayan, Quezon City, na may petsang Oktubre 24, 2025.
Inirekomenda ng korte ang kabuuang piyansa na Php180,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Isang alternatibong kagamitan sa pagrekord (Model No. CPH2083 / OPPO A12) ang ginamit sa pagpapatupad ng warrant upang matiyak ang transparency at tamang dokumentasyon ng operasyon.
Dinala ang akusado sa Ospital ng Malabon para sa medikal na pagsusuri at pagkatapos ay inilipat sa MCPS Custodial Facility para sa pansamantalang pagkakulong habang naghihintay sa paglabas ng commitment order mula sa korte. (Merly Duero)