Home METRO Lolo patay sa rumaragasang baha sa NegOr; 40 pamilya inilikas

Lolo patay sa rumaragasang baha sa NegOr; 40 pamilya inilikas

DUMAGUETE CITY – Patay ang isang 70-anyos na lalaki habang 40 pamilya ang inilikas sa mas ligtas na lugar Lunes ng hapon matapos ang malakas na ulan na nagdulot ng flash flood sa Barangay Cabugan sa Bindoy, Negros Oriental.

Sinabi ni Corporal Jusam Kadusale ng Bindoy Police Station na inagos ng tubig-baha ang biktimang si Nildo Andalajao nang mabigo itong makalabas sa kanyang bahay dakong alas-7 ng gabi.

Nawasak ang river control wall dahil sa rumaragasang tubig baha, dagdag ni Kadusale.

Narekober ng mga rescuer ng local Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang bangkay ni Andalajao dakong 8:30 ng gabi.

Isang bata rin ang napaulat na dinala ng tubig baha ngunit kalaunan ay nailigtas ng mga tauhan ng DRRMO.

Samantala, sinabi ng hepe ng Bindoy Police, Maj. Elpidio Tagoan Jr., na nagsimula ang preemptive evacuation ng mga residente ng Barangay Cabugan pasado alas-tres ng hapon.

Hindi bababa sa 40 pamilya ang inilikas sa gym. Ang mga social worker ay handang mamigay ng mga food packs at iba pang mga relief items. RNT