CEBU CITY – Timbog ang isang senior citizen matapos makuhanan ng kabuuang 1.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10.4 milyon at isang loose firearm sa isinagawang operasyon sa Barangay Mactan, Lapu-Lapu City nitong Lunes ng gabi.
Nagsagawa ng operasyon ang City Intelligence Unit at City Drug Enforcement Unit ng Lapu-Lapu City Police Station laban sa 60-anyos na si “Greg” ng Sitio Ponce, Barangay Capitol Site.
Nakipag-coordinate ang local intelligence sa Regional Intelligence Division at Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas matapos malaman na ang taong aarestuhin nila ay nakalista bilang high-value individual sa drug watchlist.
Sinabi ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan, na personal na nanood habang isinasagawa ng mga awtoridad ang on-site inventory ng mga nasamsam na ebidensya, na naiinis siya na ang makasaysayang lungsod ay may mga transaksyon sa ilegal na droga.
“Senior citizen na siya, pero patuloy pa rin siya sa negosyo ng ilegal na droga dito mismo sa ating lungsod. Salamat sa ating city intelligence unit para sa kanyang pag-aresto,” sabi ni Chan.
Nakakulong ang suspek sa holding facility sa Lapu-Lapu City Police Office habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong droga. RNT