Toronto, Canada – Nakaiskor na naman ng career milestone si Lotlot de Leon bilang kinatawan ng bansa sa Toronto International Film Festival ngayong taong ito.
Sa kanyang Instagram account, proud ang beteranang aktres na maging bahagi ng prestihiyosong film festival sa Canada.
“What an honor to be here with the best representing our country,” post ni Lotlot.
Nasa cast ang aktres ng pelikulang Silenced Nights, ang kauna-unahang Filipino film na mapabilang sa Platform Programme ng Toronto International Film Festival.
Dagdag ni Lotlot: “So proud and humbled to be part of the movie.
This one is very special!”
Kasama din sa ipinost niya sa IG ang ilang litrato kuha sa paglakad niya sa red carpet with her co-stars in the movie.
Agad namang kinogratyuleyt si Lotlot ng mga fans: “So proud of you. Keep up the good work. More and more projects to come!”
Ayon sa tiff.net, umikot ang kuwento ng Silenced Nights sa isang saksi sa extrajudicial killing sa isang slum area sa Pilipinas, na nagnanais ilantad ang katotohanan.
Prodyus ng Quantum Films, ito’y sa direksyon ni Lawrence Fajardo.
Nasa cast din sina Ina Feleo, Tanya Gomez, Joel Saracho, Nico Antonio at Dylan Ray Talon. Ronnie Carrasco III