Home NATIONWIDE LTFRB: Unconsolidated PUVs ‘di na bibigyan ng palugit

LTFRB: Unconsolidated PUVs ‘di na bibigyan ng palugit

MANILA, Philippines- Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes na hindi na ikokonsidera ang mungkahing palawigin ang provisional authority upang makabiyahe ang unconsolidated jeepneys.

Inirekomenda ito ng isang mambabatas sa Kamara noong Mayo sa pag-asang mabibigyan ng oras ang iba na makita ang benepisyo ng konsolidasyon, na rekisitos sa ilalim ng public transport modernization program.

Inisyal na sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na pag-aaralan ng kanyang ahensya ang mungkahi.

“Hindi na ho siguro natin sa ngayon mapag-aaralan pa ‘yung suhestiyon dahil ang gusto po ng liderato is ituloy na po. Dire-diretso na ‘yung ating modernization program,” pahayag ni Guadiz matapos ang pulong sa mga opisyal sa Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes.

Sinabi rin ni Guadiz na hinihintay pa ang pag-apruba ng DOTr sa mga alituntunin para sa paghuli sa unconsolidated jeepneys.

“We do not allow their registration anymore, nung mga hindi sumama. Sa kalye naman po, we apprehend them for being unregistered pero pag tutubusin na nila we require them to produce their papers for consolidation,” ani Guadiz.

Maaari nang ireklamo ang mahuhuling operators at drivers ng paglabag sa Public Service Act. Bukod pa ito sa P50,000 multa para sa operators, at sa 1-year suspension ng kanilang driver’s license.

“Obviously po kasi yung penalty is not enough para ma-discourage ‘yung mga tsuper at operator,” wika ni Guadiz.

Kung hindi pa ito sapat upang huwag bumiyahe ang colorum drivers, sinabi ng LTO na hindi ire-release ang kanilang sasakyan hangga’t hindi sila nakakukuha ng court order.

“Pending the criminal case, the unit should not be released without a court order as the vehicle is part of the evidence of the crime. Releasing the vehicle is tantamount to Infidelity in the Custody of Evidence,” pahayag ni LTO Chief Vigor Mendoza.

Kinondena naman ng transport group na Manibela ang bagong enforcement guidelines na tinawag itong hindi patas, at sinabing maaaring maging mitsa ito ng kilos-protesta sa susunod na linggo.

“Hindi ko po alam bakit kailangan ng court order. Hindi naman po mga kriminal ito. Nagsimula po kami, may prangkisa kami. Sila po ang may ayaw i-renew (ito),” ani Manibela Chairman Mar Valbuena.

Samantala, patuloy naman ang paghirit ng PISTON sa Supreme Court na aksyunan ang kanilang petisyon para sa temporary restraining order laban sa jeepney modernization program ng pamahalaan. RNT/SA