MANILA, Philippines – Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na tama at naaayon sa batas ang naging aksyon ng dalawang enforcer nito na nasangkot sa isang viral na komprontasyon sa Quezon City.
Ayon sa LTO, ginagampanan lamang ng mga enforcer ang kanilang tungkulin na ipatupad ang mga batas at regulasyon sa transportasyon at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Sinabi rin ng ahensya na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa gabay ni Transportation Secretary Banoy Lopez, inaasahang magalang at may paggalang ang mga tauhan ng LTO sa pagtupad ng kanilang trabaho.
Nanawagan din ang LTO sa publiko na makipagtulungan at magpakita rin ng paggalang sa mga government personnel habang isinasagawa ang mga legal na operasyon.
Sa viral video, makikitang tiniketan ng dalawang LTO enforcer ang isang commuter van na nakaparada sa isang kalsada habang may protesta sa Quezon City.
Nagtipon naman ang ilang mga nagpoprotesta, sa pangunguna ni Quezon City Councilor Rannie Ludovica, at kinompronta ang mga enforcer. Sa kabila nito, nanatiling kalmado ang isa sa mga enforcer habang pinagsasabihan ng konsehal at napapalibutan ng mga nagpoprotesta. RNT/MDS