Home OPINION LUBAK NA KALSADA, SERYOSONG SAFETY HAZARD

LUBAK NA KALSADA, SERYOSONG SAFETY HAZARD

2
0

HINDI lahat ng aksidente sa kalsada ay dahil sa reckless driving. Kontributor din ang masamang kondisyon nito na ikapapahamak ng publiko.

Sa araw-araw na biyahe, maraming motorista ang napipilitang dumaan sa mga bako-bakong kalsada, malalalim na lubak at mga rutang hindi man lamang maayos ang pagkakaaspalto. Maaaring simpleng abala lamang ito para sa inyo, dear readers. Pero sa pangkalahatan, isa itong seryosong safety hazard.

Ang isang biglaang lubak habang umaandar ang sasakyan ay maaaring maging sanhi ng pagkawala ng kontrol, lalo na kung mabilis ang andar ng sasakyan, madulas ang daan o hindi napansin ng driver ang butas. Delikado din ito para sa mga motorsiklo at bisikleta na maaaring mawalan ng balanse at bumagsak. Ang masaklap pa ay kung may kasunod na mabilis na sasakyan o kaya naman ay may kasabayang truck na hindi napansin ang sumemplang na katawan ng rider o cyclist. Tsk-tsk-tsk!

At hindi lamang aksidente ang maaaring idulot ng mga lubak na daanan. Ang paulit-ulit na pagtama sa lubak ay maaaring makasira sa gulong, rim, suspension, steering at iba pang mechanism o bahagi ng sasakyan. Ibig sabihin, ang isang hindi maayos na kalsada ay maaaring mauwi sa malaking gastos para sa motorista maliban pa sa loss time na idudulot nito.

Kaya para sa mga awtoridad, mahalaga ang regular na road inspection at agarang pagsasaayos ng mga lubak at sirang bahagi ng kalsada. Dapat ding may malinaw na warning signs, ilaw para sa gabi, temporary barriers at flagman o traffic enforcer habang hindi pa naaayos ang hazardous portion ng daan.

Para naman sa mga motorista, hindi sapat ang pagiging pamilyar sa kalsada. Kailangang kontrolin at bagalan ang speed ayon sa rules of the road, panatilihin ang tamang distansya at maging alerto sa pagbabago ng weather at road conditions. Iwasan din ang biglaang pag-iwas sa lubak dahil maaari itong magdulot ng collision sa ibang sasakyan.

Ang ligtas na kalsada ay hindi lamang usapin ng magandang biyahe, ito ay bahagi din ng public safety.

Ang pinababayaang lubak na kalsada ay nakadisenyo para sa isang aksidenteng anomang oras ay maaaring mangyari.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here