Home OPINION LUMABAN NA BAGO MAGKASUNOG

LUMABAN NA BAGO MAGKASUNOG

TATLONG araw na may sunog sa iba’t ibang parte ng Metro Manila.

Kahapon, nasunog ang 50 bahay sa Floodway West Bank, Brgy. Rosario, Pasig City.

Akalain mo, alas 4:00 nang sumiklab ang sunog at oras iyon ng masarap na tulog ng mga residente, lalo na ang mga bata.

Mabuti na lang at naapula ang apoy makaraan ang tatlong oras.

Ang Cainta Public Market sa Felix Avenue, sakop ng Brgy. San Isidro,  nasunog naman ang malaking bahagi nito nitong linggo.

Katanghaliang tapat nang masunog ito at unang napansin ng mga tao sa paligid na naganap ang panimulang sunog sa ikalawang palapag ng palengke.

Halos magkasabay namang nasunog ang isang parte ng Philippine General Hospital at isang commercial area sa Paco, Manila na ikinadamay ng Paco Catholic School noong gabi ng Sabado.

Mabuti na lang at isang botika lang ang nasunog sa PGH at nailayo rin ang nasa 100 pasyente sa panganib.

Isa naman ang nasugatan sa Paco habang isinasagawa na ang online learning sa mga estudyante sa Paco Catholic School sa pagkakadamay sa sunog ng ilang gusali nito.

NASAYANG NA MGA PUNDAR

Magpasalamat tayo at isa lang ang nasaktan sa nasabing apat na sunog.

Pero kung iisipin natin, mga Bro, nagpundar ang mga tao ng kanilang tahanan at puhunan para sila may matutulugan at mapagpapahingahan at maaasahan para sa buhay.

Hindi masukat na pawis, puyat, pagod at panaginip para sa maayos na bukas ang ipinuhunan ng mga biktima.

Pagkatapos, sa isang iglap o ilang oras lang na sunog, naabo o nasira lahat.

Para sa mahihirap, higit pa bangungot ang pangyayari lalo na kung iisiping magpupundar muli sila.

Sa hirap ngayon ng buhay, kailan at paano manunumbalik ang dati nilang normal na pamumuhay?

Pinakamasamang kalagayan ang mga nasa evacuation center na umaasa ng mga limos at ayuda mula sa pamahalaan at mga may pusong mamamayan.

LUMABAN SA SUNOG

Ang lahat, dapat may kaalaman sa pakikipaglaban sa sunog.

Mabuti kung magawan ng paraan na hindi magkasunog kahit kailan at malas na lang talaga kung magkasunog.

Unang gawin ang pag-alam ng mga pangunahing sanhi ng sunog.

Ang sabi ng Bureau of Fire Protection, kasama sa mga pangunahing pinagmumulan ng sunog ang mga electrical wire at mga nakakonek sa mga ito, gaya ng mga gadget at appliance.

May mga overload sa mga kawad ng kuryente at pag-overheat ng mga gadget at appliance.

Kasama na rito ang mga jumper sa elektrisidad  para makalibre lang sa kuryente ang mga magnanakaw ng kuryente.

Naririyan din ang mga apoy galing sa kusina, kasama na ang apoy mula sa mga hose at tangke ng mga liquefied petroleum gas.

May mga sunog ding nagmumula sa mga itinatapon na may sinding sigarilyo at napapabayaang kandila ng mga adik makaraan silang mag-jamming.

Malaking bagay na may kaalaman sa mga ito at maisip natin kung paano lahat nang tama para hindi magkaroon ng sunog.

Hindi dapat hintaying magkasunog saka tayo lumaban dito.