Home NATIONWIDE Maanomalyang bidding schemes, palit-ulo at dummy owners ‘di uubra sa NGPA –...

Maanomalyang bidding schemes, palit-ulo at dummy owners ‘di uubra sa NGPA – DBM

248
0

MANILA, Philippines – Sa ilalim ng New Government Procurement Act o NGPA, nagbabala ang Department of Budget and Management sa mga supplier ng pamahalaan na hindi na makakalusot ang mga maanomalyang bidding schemes.

Babala pa ng DBM sa mga government suppliers na hindi na uubra ang bulok na sistemang palit-ulo, palit-pangalan, at dummy owners sa mga proyekto ng gobyerno.

Ito ang binigyang-diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F.Pangandaman matapos niyang isa-isahin ang mga salik ng NGPA.

Isa sa mga probisyon ng NGPA ang mandatory disclosure ng beneficial ownership information, kung saan kailangang ilantad ng mga kumpanyang sasali sa bidding ang tunay na may-ari o sinumang may kontrol sa kanilang operasyon upang maiwasan ang conflict of interest at katiwalian.

Giit pa ni Pangandaman, paiigtingin ng disclosure of beneficial ownership ang integridad, epektibong kumpetisyon at full transparency sa public procurement process.

Batay sa datos ng Government Procurement Policy Board–Technical Support Office, mahigit 65 porsyento ng bidders ay may magkakaparehong may-ari, habang nasa 71 porsyento naman ang konektado sa mga opisyal ng pamahalaan.

Patunay anila ito na kailangan ang mas mahigpit na pagsusuri sa bidding.

Samantala, kailangan na ring magsumite ng beneficial ownership information ang mga kumpanya sa PhilGEPS para sa Platinum registration, na requirement sa paglahok sa bidding.

Sabi ng DBM, awtomatikong sususpendihin ang registration ng mga mabibigong magsumite ng dokumento. Jocelyn Tabangcura- Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here